Sentinel pigs, ipapamahagi ng DA Region 2 sa mga ASF affected farmers

Uumpisahan na rin ng Department of Agriculture Region 2 ang pamamahagi ng sentinel pigs sa mga hog raisers na naapektuhan ng African Swine Fever sa mga lugar na wala nang naitalang bagong kaso ng ASF sa loob ng 90 days.

Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay Regional Director Narciso Edillo, sinabi nito na nakapag-procure na sila at inaasahang magmumula sa Ilocos Region ang mga ipapamahaging biik.

Nasa 75 milyong piso anya ang inilaang pondo sa rehiyon kung saan aminado ang direktor na kulang ito.

Kaya’t nanawagan na siya sa mga alkalde sa mga lokal na pamahalaan na maglaan din ng pondo mula sa kanilang 20% development fund ngayong taon.

Sinabi pa ni RD Edillo na ang mga Provincial Veterinarian ang siyang mag-iidentify sa mga naapektuhang farmers katuwang ang mga LGUs base anya sa kanilang mga nakuhang datos.

Mabibigyan ang mga benepisaryo ng 2 hanggang tatlong biik na may feeds na aabot sa apat na buwan at kalakip na insurance mula sa Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC).

Oobserbahan naman ng mga magsasaka ang mga ito sa loob ng 40 days at kapag hindi na tinamaan ng ASF ang mga sentinel pigs ay maaari nang dagdagan ng farmer ang alagang baboy subalit sarili nilang gastos.

Ayon pa kay RD Edillo, sa ngayon ay wala naman nang naitatalang panibagong kaso ng ASF sa mga probinsya ng Isabela, Quirino at Nueva Vizcaya habang ang pinakahuli ay mula sa lalawigan ng Cagayan.

Photo/ DA

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *