Singil sa kuryente na babayaran ng mga kunsomidores ng Canoreco ngayong Marso bumaba

CAMARINES NORTE- Sasalubong muli sa mga kunsomidores ng Camarines Norte Electric Cooperative ngayong Marso ang mababang singil sa kuryente dahil sa pagbaba ng billing rates noong Pebrero.

Nagkaroon ng Php0.6020 per kWh na pagbaba kaya ang residential rate ay nasa Php16.3651 per kWh na lamang kumpara sa Php16.9671 per kWh noong nakaraang January 2023 billing.

Ang commercial low  voltage rate ay Php15.4116 per kWh at ang commercial high voltage rate naman ay Php13.5912 per kWh.

Dahil sa pagbabang ito ng billing rate, mababawasan ng Php60.20 ang kabuuang bayarin ng isang tipikal na sambahayan na kumukunsumo ng 100kWh.

Ang mga kumukunsumo naman ng 200kWh ay mababawasan ng Php120.40 habang Php180.60 naman ang kabawasan sa mga kumukunsumo ng 300kWh.

Ayon sa Canoreco ang pagbabang ito ay bunsod ng pagbaba ng Blended Generation System Charge dahil sa mas mababang Fuel Cost (Coal Price) na binayaran sa Power Supplier na Therma Luzon, Inc. (TLI) para sa supply month ng January 2023.

Bumaba rin ang average rate ng kuryente sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) dahil sa pagtaas ng average supply margin sa market.

Ang Generation Charge ay nagbabago kada buwan dahil apektado ito ng WESM prices, power plants dispatch, fuel prices, forex rates at seasons kung kailan binili ang kuryente.

Bumaba rin ang Transmission System Charge ng Php0.0284 per kWh dahil sa mas mababang Ancillary Service Charge ng National Grid Corporation of the Philippines, ang System Loss Charge, Senior Citizen Subsidy at ang Value Added Tax (VAT) Charges.

Suspendido rin pansamantala ang pagkolekta ng Feed-In-Tariff (FIT-All Charge) na Php0.0364 per kWh dahil sa ERC Resolution No. 12, Series of 2022 na nagsimula noong December 2022 billing na tatagal hanggang August 2023 billing.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *