SORSOGON CITY – Makikipag-ugnayan ang grupong Health Justice Philippines sa DepEd-Sorsogon Provincial Division’s Office upang palakasin ang kampanya kontra paninigarilyo sa mga kabataang mag-aaral.
Sa pahayag ng Managing Director ng nasabing grupo na si Atty Jacky Sarita, malaking tulong umano ang DepEd upang mas maturuan ang mga kabataan na maiwasan ang nasabing bisyo. Oras umano na mapalakas ang kampanya kontra sa nasabing bisyo ay maraming mga kabataan ang maililigtas mula sa pagkalulong sa nakamamatay na bisyo.
Ayon sa grupo, ang paninigarilyo ay isang bisyo na kung saan ang mga kabataaan ang kadalasang gumagawa at gumagamit.

Aniya pa, sa panahon ngayon, malaya ang mga kabataan na gawin ang paninigarilyo kahit saan, at anumang oras.
Ang paninigarilyo umano ay ginagawa nang libangan o pampalaipas-oras ng mga kabataan ngunit maraming masasamang epekto ito sa kanilang kalusugan, pag-aaral, at pati na sa pakikipag-ugnayan sa iba.
Nabatid na sa ating bansa, ang mga kabataan ay naningarilyo sa edad 10 taong gulang at regular na sa atin ang paninigarilyo sa edad 13-16 taong gulang.
Ayon sa Department of Health (DOH) isang tao kada 13 segundo o isang milyong katao taon-taon ang namamatay dahil sa paninigarilyo.