Snatcher na ang modus ay tatapunan ng catsup ang biktima, huli sa Batangas City; dinukot na iPhone13 pro, nabawi

Arestado ang umano’y snatcher habang nakatakas naman ang dalawang kasabwat matapos na dinukot ang iPhone 13 Pro ng isang estudyante na sakay sa jeep sa patungong Balagtas, Batangas City.

Kinilala ng Batangas City Police Station ang suspek na si Jojo Larga y Razon, 34 anyos, tubong Bolbok, Lipa City at residente ng Brgy. Mabalacat, Pampanga.

Batay sa imbestigasyon, dakong ala-una ng hapon kahapon ng Lunes nang sumakay ang 21 anyos na estudyanteng biktima sa jeep patungong Balagtas.

Bago umano dumating ang jeep sa Kapitolyo ay sumakay ang suspek na si Larga at ang dalawang hindi nakilalang mga kasama.

Tumabi umano sa kanya si Larga habang ang dalawang suspek ay nasa kabilang upuan.

Bago pa man dumating sa Lion’s Marker ang jeep ay bigla na lamang siyang sinabihan ng isang suspek na “May nagbato sayong likuran galing sa labas”.

Nakuha umano ng suspek ang kanyang atensyon at nang lingunin ang kanang bahagi ng damit ay mayroon na itong mantsa ng catsup pati ang kanyang buhok.

Tumulong pa umano sa pagpunas ang isa sa mga suspek gamit ang tissue na inabot ng suspek na si Larga.

Agad niyang itinago ang iPhone sa kanyang bag matapos na ang isa sa mga suspek mismo ang nagsabing itago ang kanyang cellphone para hindi mawala.

Nagtaka ang biktima nang sunod-sunod na pumara at nagsibabaan ang mga suspek sa Kumintang Ilaya.

Pagdating ng biktima sa Balagtas ay napansin niyang nawawala na ang kanyang cellphone kaya agad niya itong hinanap sa pamamagitan ng GPS tracker at natukoy na nasa SM Batangas City na lokasyon ng kanyang nawawalang iPhone.

Agad niya itong pinuntahan sa SM at nang dumating ay humingi ng tulong sa security guard para matunton ang mandurukot.

Natunton nila ang suspek sa pamamagitan ng tracker at kitang-kita ang pagtapon ng suspek sa kanyang cellphone sa basurahan ng mall.

Agad na inaresto ng sekyu ang suspek at dinala sa Batangas CPS habang narekober ang nawawalang cellphone ng biktima.

Nahaharap ngayon sa kasong Theft si Larga habang pinaghahanap na ang dalawang kasabwat nito.

Leave a Reply

Your email address will not be published.