Soccsksargen General Hospital, hindi pa regional hospital- Gov. Tamayo

KORONADAL CITY- ITINURN-OVER na ng provincial government ng South Cotabato ang pamamahala sa Soccsksargen General Hospital (SGH) na makikita sa Barangay Dajay, Surallah sa Department of Health (DOH) Region 12.

Naging highlight ng turn-over ceremony ang signing ng usufruct agreement at affidavit of undertaking sa pagitan ng provincial government at DOH, at ang turn-over ng susi, mga dokumento, supplies, equipment at infrastructures sa SGH.

Sa kanyang mensahe, inihayag ni South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo Jr na tinupad lamang nito ang nakasaad sa kasunduan na nilagdaan ng nakaraang administrasyon na ituturn-over ang SGH sa loob ng tatlong taong transition period.

Nagpahayag din ito ng suporta upang mapabilis ang upgrading ng SGH.

Samantala, nilinaw naman ng gobernador na hindi pa regional hospital ang SGH.

Paliwanag ni Tamayo na ang Republic Act No. 11102 na inakda ni outgoing South Cotabato 2nd district representative Ferdinand Hernandez at nilagdaan ni Presidente Rodrigo Duterte ay para lamang sa establishment ng General Hospital sa bayan ng Surallah at hindi regional hospital.

Ayon sa opisyal na kailangan ang isa pang bill upang ito ay ma-convert bilang regional hospital o di kaya ay magsulong ng bill para sa pagpapatayo ng bagong regional hospital na siyang imumungkahi nito kay 2nd District Congressman-elect Peter Miguel.

Pinasalamatan naman ni DOH 12 Regional Director Aristides Concepcion Tan ang pagturn-over sa naturang pasilidad.

Sa pamamagitan nito, masisimulan na aniya ang pagproseso ng license to operate at accreditation nito bilang Level 1 hospital at ang pagdagdag ng plantilla personnel at pondo para sa upgrading nito.

Matatandaan na ginawang COVID Hospital ng lalawigan ang SGH sa kasagsagan ng COVID 19 pandemic.
Sa ngayon, ito ay nag-ooperate lamang bilang Community Isolation Unit o CIU.

Leave a Reply

Your email address will not be published.