Social Media Influencers, bubuwisan na – BIR Sorsogon

SORSOGON CITY – Sa harap ng usapin hinggil sa planong pagbubuwis ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa mga social media influencers, maglalabas ang nasabing tanggapan ng Revenue Memorandum Circular No. 97-2021.

Sa pahayag ni BIR-Sosogon District Officer Prencini Parco, sinabi nito na nakasaad sa nasabing circular ang paglilinaw sa basic tax obligation ng isang social media influencer gayundin ang mga kahihinatnan na maaaring kaharapin ng mga ito sakaling hindi sila makapagparehistro sa nasabing ahensya.

Matatandaan na isinulong ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na buwisan ang mga social media influencer matapos ang ulat na hindi pagdedeklara ng kinikita ng mga ito.

Sa nasabing Circular, isinama ang mga kumikita sa pamamagitan ng social media sa mga self-employed o mga indibidwal na may sariling negosyo.

Ayon pa sa BIR, nararapat lamang na patawan ng buwis ang kanilang kita.

Batay pa sa BIR Circular, maraming mga nagba-blog na kumikita nang malaki ang hindi nagbabayad ng tamang buwis.

Kasabay nito, pinaalalahan ng BIR ang mga social media influencer, indibidwal man o korporasyon sa obligasyon nila sa ilalim ng batas.

Nagbabala rin ang BIR na posibleng maharap sa kaso ang mga blogger dahil sa pagkabigong magbayad ng tamang buwis.

 Sa isang pahjayag, sinabi ni Finance Undersecretary Antonette Tionko na layunin ng hakbang na madagdagan ang kita ng gobyerno mula sa social media.

Kaugnay nito, tiwala si Parco na oras na ilabas na ang nasabing memoramdum ay marami ng social media influencers ang magsasadya sa kanilang opisina para magparehistro.

Samantala, bagama’t tumanggi na pangalanan, kinumpirma ng opisyal na sa kasalukuyan ay dalawa pa lamang na social media influencers sa Sorsogon ang nagparehistro sa kanilang tanggapan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *