Sorsogon City, inilagay sa weekend lockdown

SORSOGON CITY – Lahat ng barangay sa lungsod ng Sorsogon ang inilagay sa ‘weekend’ lockdown, dahil sa pagtaas ng kaso ng Covid-19.

Sa pamamagitan ng EO No. 36, series of 2021; ipinag-utos ni Mayor Ma. Ester Hamor na ilagay sa weekend lockdown simula ngayong araw, Setyembre 13 ang 64 na barangay ng lungsod.

Inisa-isa ng alkalde ang dahilan ng nasabing kautusan. Una, nasa ilalim na ng Alert Level 4 o High Risk category ang buong lalawigan , pangalawa, nadetect na rin ang presensiya ng highly transmissible na Delta variant sa kumunidad.

Maliban pa dito, nakakarehistro ang lungsod ng average 22 kaso ng nasabing sakit araw-araw simula nitong buwan ng Setyembre.

Nakapagtala na rin ng 17 pagkasawi noong buwan ng Agosto kabilang na ang 10 pagkasawi sa unang 13 araw ng buwan ng Setyembre.

Bunsod nito, minabuti ng alkalde na paikliin ang curfew hours mula alas 7:00 ng gabi hanggang alas 5:00 ng umaga. Iiral pa rin ang modified liquor ban habang ang mass gathering ay hanggang sa 20 mga dadalo at ang mga religious services naman sa simbahan ay hanggang 30% seating capacity lamang. Ipinagbabawal naman ang mga contact sports at group sports.

Inatasan ng alkalde ang City Police, SK3, CDRRMO at Sangguniang Bayan na siyang magpapatupad ng mga ipinagbabawal ayon sa naturang kautusan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *