Pangatlo ang Lalawigan ng Sorsogon sa may pinakamaraming bilang ng kandidato para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Oktubre.
Sa panayam ng Brigada News kay COMELEC Sorsogon Provincial Election Supervisor Atty. Calixto Aquino Jr., umabot sa 18,865 ang kandidato sa lalawigan para sa BSKE.
Nanguna naman sa may pinakamaraming bilang ng kandidato ang Camarines Sur at pumangalawa ang Lalawigan ng Albay.
Samantala, inihayag ng opisyal na hihintayin nila ang imbestigasyon ng Donsol Municipal Police Station upang matukoy kung ang nangyaring pamamaslang sa isang incumbent Barangay Kagawad ng Ogod, Donsol ay maituturing na election related incident o violence.
Nagpaalala rin ang opisyal sa mga incumbent Barangay Officials na siguraduhing hindi magagamit sa premature campaigning ang mga existing projects ng Barangay.
Aniya, may kaakibat na mabigat na kaparusahan sa ilalim ng Omnibus Elections Code at iba pang Election Laws ang sinumang lalabag dito.
