Special provision sa 2024 Local Government Support Fund, hiniling ng isang kongresista sa DBM para sa sampung bagong barangay sa Taguig City

Hinimok ni Senior Citizen Party-list Representative Rodolfo Ordanes ang Department of Budget and Management na maglagay ng special provision sa Local Government Support Fund sa 2024 proposed national budget para sa sampung bagong barangay sa lungsod ng Taguig.

Ayon kay Ordanes, sa pamamagitan nito ay magiging pantay ang antas ng benepisyo na tinatanggap ng mga residente na dating sakop ng Makati City.

Ipinunto ng kongresista na kabilang sa mga programa ng Makati LGU ang BluCard at Makatizen Benefit Card.

Umaasa rin ito na magiging maayos ang transition ng statutory benefits mula sa mga batas tulad ng Centenarians Act, social pension para sa indigent seniors at Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.

Sa ilalim ng 2023 National Budget, tinukoy ng DBM ang eligible projects na nakapaloob sa financial assistance para sa LGUs at Support for Capital Outlays and Social Programs kung saan pasok ang Assistance to Indigent Individuals or Families.

Nasa 7.2 billion pesos ang inilaan para sa social programs ng LGUs ngayong taon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *