LEGAZPI CITY – Inaasahan na ng isang grupo ng mga tsuper ng jeep sa Albay ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin maging ang pagkakaroon ng paghigpit sa singil sa pamasahe kasunod ng big-time oil price hike sa buong bansa ngayong araw.
Nasa halagang PHP4 kasi ang itinaas sa bawat litro ng diesel sa buong bansa.
Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay Ronel Nebres, founder ng Driver Safety Enforcement sa lalawigan, sinabi niya na marami na naman ang mag-iinsist na taasan ang presyo lalo na sa mga pangunahing bilihin dahil sa mga expenses pagdating sa pag-transport ng mga produkto.
Maliban dito, mababa na naman aniya ang kanilang magiging take-home na kita.
Kung kaya, humihingi ng pag-unawa si Nebres sa lahat ng mga commuters dahil magkakaroon sila ng paghihigpit sa pagsingil ng pamasahe lalo na sa minimum fare.
Aniya, mayroon kasing mga regular na pasahero na nasasanay na naman sa pagbibigay ng PHP10 or PHP11 kahit pa PHP12 ang nasa taripa.
Asahan umano na hihingi sila ngayon ng mga karagdagang piso sa mga regular na pasahero na magbabayad pa rin ng hindi tugma sa taripa, subalit retain naman ang 20% discount para sa mga PWD, estudyante at iba pa.
Sa ngayon, ayon kay Nebres, posibleng hindi pa tataas ang singil sa pamasahe dahil ang lebel ng presyo ng diesel ay nasa PHP63-64 pa lamang, kung ikukumpara noon na naging PHP80 ang diesel kaya itinaas sa PHP12 ang minimum fare mula sa PHP11.
Samantala, ang tanging hiling lamang nila bilang mga tsuper ay ang kooperasyon ng mga commuters.