Inaprubahan ng gobyerno ng Taiwan ang emergency use at production ng vaccine candidate ng Medigen Vaccine Biologics Corporation na kabilang sa mga plano ng isla na makapag-develop ng sarili nitong mga bakuna na kayang magbigay proteksyon laban sa COVID-19.
Hindi pa tapos sa clinical trials ang nasabing vaccine candidate, at wala rin itong efficacy data na available.
Pero ayon sa health ministry ng Taiwan, ay makikita sa mga pag-aaral ngayon na hindi nalalayo ang antibodies na nalilikha ng COVID-19 shot ng Medigen sa nagagawa ng AstraZeneca vaccine.
Una nang sinabi ng Taiwan-based Medigen noong nakaraang buwan na nais nitong makakuha ng emergency use authorization, o EUA, mula sa sarili nitong gobyerno para sa vaccine candidate, matapos makumpleto ng ligtas ang Phase II trials.