Target na makapagtanim ng 1M puno, nalagpasan ng probinsya

Nalagpasan ng Pamahalaang Panlalawigan ang target nito na makapagtanim ng isang milyong puno sa ilalim ng programang 7K Kalikasan sa pangunguna ng PENRO LGU matapos na makapagtanim ng 1,001,671 sa peryodo hanggang Mayo 15, 2023.

Magkahalong mga variety ng mga punla tulad ng narra, mahogany, molave, lapnisan, mangroves, bamboo, kakawate, pili, guyabano, rambutan, cacao, santol, atis, langka, makopa, kalamansi at kasoy ang naitanim kung saan Lungsod ng Sorsogon ang nanguna rito sa bilang na 150,763 punong naitanim.

Sumusunod dito ang bayan ng Bulan sa  148,677, Irosin 124,147, Bulusan 89,254, Donsol 61,989, Juban 55,233, Pto. Diaz 54,139, Magallanes 52,315, Barcelona 52,105, Casiguran 49,027, Castilla 48,504, Pilar 45,316, Matnog 33,778, Gubat 22,473 at Sta. Magdalena 13,951.

Pinasalamatan naman ni Kalikasan Program Manager Engr. Beth Fruto ang bawat Local Government Unit sa lalawigan sa hindi matatawarang suporta ng mga ito sa proyekto at aktibong lumahok sa programa sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga nursery sa loob ng kani-kanilang mga lokalidad na nakatulong nang malaki sa pangkalahatang tagumpay nito.

Samantala sa pagsulong ng programa ang pokus ngayon ay lilipat sa pagsubaybay sa pagpapalaki at pag-unlad ng mga naitanim na puno.   

                                                                                                                                                

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *