Hindi talaga patas, ito ang reaksyon ni Teachers’ Dignity Coalition (TDC) Chairperson Benjo Basas sa kaso ng isang guro sa Antipolo City na inaakusahan ng pananampal sa kanyang estudyante at kalaunan ay namatay dahil umano sa insidente.
Sa isang pahayag sinabi ni Basas, na kapag guro ang inaakusahan ay napakabilis umanong gumulong ng kaso.

Isinailalim na sa 90-day preventive suspension ang guro kasunod ng motu proprio case na sinimulan ng Department of Education (DepEd).
Ayon sa mga source ng TDC, ang DepEd, matapos ang anila’y mabilis na imbestigasyon ay napag-alaman ang existence ng prima facie case para sa paglabag sa ilang probisyon ng DepEd Child Protection Policy, Anti Child Abuse Law at maging ang Family Code.
Iginiit ni Basas na sa ilalim ng Magna Carta for Teachers dapat may confidentiality o protektado rin ang karapatan ng mga guro na may kinakaharap na kaso dahil madalas din umano silang biktima ng pagbabanta at bullying.
Kinikilala naman aniya ng grupo ang mga polisiya at proteksyon ng mga estudyante ngunit dapat din aniyang tiyakin na protektado ang karapatan ng mga guro.
Sa huli, muling ipinaabot ni Basas ang kanilang taus-pusong pakikiramay sa pamilya ng bata, pero humihingi rin sila ng hinahon sa publiko na huwag naman sanang husgahan agad ang guro at hintayin ang resulta ng malalimang imbestigasyon na ginagawa ng mga awtoridad sa insidente.