Teritoryo ng France lumiit, Belgium lumaki matapos maiusog ng isang magsasaka ang border stone

Nabawasan ng 7.5 feet ang teritoryo ng Pransya matapos na hindi sinasadyang maiusog ng isang magsasakang Belgian ang bato na nagsisilbing marker ng hangganan sa pagitan nito at ng Belgium.

Ang hindi na pinangalanang magsasaka ay nainis umano dahil paulit ulit na tumatama sa kanyang traktora ang nasabing bato kung kaya naisipan niya itong alisin.

Kamakailan lamang nang madiskubreng wala na sa lugar ang batong nagsisilbing border ng dalawang bansa.

Apektado nito ang French commune Bousignies-sur-Roc at ang bayan ng Erquelinnes sa Belgium na parehong rural area na nasa Timog ng North Sea.

Sa facebook post ni Erquelinnes Mayor David Lavaux nitong Lunes, ibinahagi nito ang larawan ng bato na nakalagay na malapit sa puno sa may mga putol na sanga at bakod na wire.

Kitang kita rin sa larawan ang nakaukit sa nasabing bato na letter “N” at “1819” na siyang palatandaan ng Franco-Belgian border.

Hindi lang nag-iisa ang batong ito dahil marami pang ibang gaya nito ang nakalagay din sa mga hangganan ng dalawang bansa.

Ang paggalaw sa border stone ay isang paglabag sa 201 taon nang kasunduan ng mga nasabing bansa.

Dahil dito ay nakipag ugnayan na umano ang mga otoridad sa magsasaka para ibalik ang bato sa tamang lugar upang maiwasan ang posibleng parusa ng batas sa kanyang naging hakbang kahit hindi nito sinasadya.###

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *