Nag-viral kamakailan ang isang tindahan sa Tsina dahil sa hindi umano pangkaraniwan ang kinalalagyan nito kung saan, mistulang nakalambitin sa may gilid lamang ng bangin.
Usap-usapan nga ito ng mga netizens matapos maipost ang larawan sa social media at ayon sa post ng isang netizen, maaari umanong makabili rito ng mga inumin, meryenda at energy drink para sa mga mountain climbers.
Ayon sa ulat, ang nasabing tindahan ay nagbukas noong 2018 sa Shiniuzhai National Geological Park sa Pingjuang County.
Ang nakamamangha ay dahil ang kinatatayuan nito ay may taas na 393 ft. kung saan nagtataka ang mga netizens kung paano nakapupunta dito ang mga empleyado nito at kung paano narerestock ang mga paninda.
Ito naman ang binigyang linaw ng namamahala sa geological park kung saan, sinabi nito na pawang mga professional rock climber ang mga tagapagbantay nito at nadadala ang mga paninda sa pamamagitan ng isang special rope conveyor.|WENCY LISAY
