Hindi na nakapalag pa ang isang 39-anyos na lalaki matapos na arestuhin ng mga otoridad habang ito ay magpapastol lang sana ng kanyang alagang baka sa Barangay Janao-Janao, San Juan, Batangas.
Kinilala ng San Juan Municipal Police Station, ang suspek na si Raymond Rosales Jimenez, residente ng nasabing barangay at itinuturing na Top 1 most wanted person ng naturang himpilan.
Ayon sa report ng naturang himpilan, nasa bukid ang suspek nang isilbi ng mga kapulisan ang warrant of arrest dahil sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act”.
Nangyari ang insidente noong November 1, 2022 sa Barangay Lipahan ng nabanggit na bayan.
Nasa kustodiya na ng naturang himpilan ang naarestong lalaki.
Ayon kay Batangas PNP Provincial Director Police Colonel Samson B. Belmonte, ang pagkaaresto kay Jimenez ay bahagi ng mas pinaigting nilang kampanya laban sa pagmamay-ari ng iligal na baril.
Kaugnay nito ay nagpaalala si Col. Belmonte sa publiko hinggil sa umiiral na gun ban kaugnay sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.