Iprinisenta na sa kanyang court of origin ang top 1 most wanted person sa Bicol na naaresto sa Mandaue City ng mga tauhan ng Pio V Corpus Police katuwang ang Mandaue City Police at iba pang operatiba ng PNP, sa ilalim ng Oplan Pagtugis.
Kinilala itong si Rey Pepito Buhia alias ‘Titing Bulanting Buhia,’ 45-anyos, may asawa, mangingisda at naninirahan sa Brgy Mabuhay, Pio V Corpus, Masbate.
Ayon sa Masbate PPO, naaresto si Buhia sa kanyang pinagtataguan sa Canduman Housing, Brgy Canduman ng nasabing lungsod noong Marso 3 ng kasalukuyang taon. Nahaharap ito sa kasong murder na walang itinakdang piyansa.
Si Buhia ay nagtago ng mahigit 5 taon matapos na mapatay nito ang biktimang si Raymond Rosales Mahinay noong Mayo 22, 2017.
Hinihintay na lang ng Pulisya ang commitment order sa akusado na ibababa ng korte.
