Transport Group sa Camarines Sur may panawagan kay PBBM ukol sa Jeepney phase out; tigil pasada pinaburan

NAGA CITY- Problemado ang mga Tsuper sa patuloy na usapin sa Jeepney Modernization Program, extended man ang itinakdang phase out posibleng ito pa rin ang patutunguhan ng programa.

Sa panayam ng Brigada News FM Naga kay Libmanan Transport Service Cooperative (LibTransCo) Chairman Marino Traballo , sinabi nito na hindi nila kaya ang P2.4 million para sa modernong jeep kahit pa parte nito ang sagutin ng pamahalaan.

Paglilinaw nito hindi sila kontra sa pagpapanatili o pagtitiyak ng kaligtasan ng mga pasahero at iba pang gumagamit ng kalsada pati malinis na hangin pero hindi aniya sa ganitong paraan.

Panawagan niya kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr, tinggan ang sitwasyon mas mainam aniya kung tutulungan ng Gobyerno ang mga driver at operator na magkaroon ng mga bagong makina at iba pang pangunahing gamit ng Pinoy Jeepney.

Sa ilalim ng programa kailangan bumuo ng korporasyon o kooperatiba upang makautang sa pamahalaan para sa P2.4M na modernong jeep.

Kung matutuloy ang tigil pasada sa susunod na linggo, walang pag aatubiling sinabi ni Traballo na makikiisa sila dahil paraan ito upang mabatid ng pamahalaan ang kanilang hinaing.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *