LEGAZPI CITY – Isinagawa ang tree planting activity sa lunsod ng Tabaco at sa bayan ng Camalig bilang pagdiriwang sa International Women’s Day kahapon.
Ayon sa tagapagsalita ng PNP Bicol na si Lt. Col. Maria Luisa Calubaqiub, ang aktibidad sa nabanggit na lunsod ay inorganisa ng Police Regional Office (PRO) V, kung saan ang mga ito ay nagtanim ng dalawang daang mangrove o bakawan sa isla ng Natunawan Cove.
Napagkasunduan umanong magkaroon ang pulisya ng mangrove sa nabanggit na lugar dahil bahagi rin ito ng kanilang adbokasiya para sa kalikasan.
Sinabi pa ni Calubaquib, dapat mangialam na ang mga kababaihan sa kalikasan, lalo na sa kung paano makakatulong na mapangalagaan ito.
Sa Camalig naman ay isinagawa ng Gender and Development (GAD) Focal Point System sa tulong ng Municipal Agriculture Office (MOA) at Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) ang tree planting partikular sa Brgy. Sua.
Pinangunahan ito ni Mayor Carlos Irwin Baldo, Jr. na nilahukan din ng mga miyembro ng lokal na pamahalaan, Camalig Municipal Police Station (MPS), Municipal Disaster Risk Reduction Office (MDRRMO), at marami pang iba.