Tricycle driver, himalang nakaligtas matapos barilin sa ulo sa Batangas; mga bala, di bumaon

Sa pambihirang pagkakataon ay himalang nakaligtas ang isang tricycle driver matapos na tatlong beses na malapitang binaril ng hindi pa nakikilalang suspek sa Brgy. Poblacion 3, Bauan, Batangas, pasado 2:30 ng hapon noong Martes, Nobyembre 22, 2022.

Kinilala ng Bauan Municipal Police Station ang biktima na si Marvin Castillo y Acuzar, 32 anyos at residente ng Brgy. San Teodoro ng naturang bayan.

Sinabi sa Brigada News FM Batangas ni PMaj. Allan de Castro, nakapila umano ang biktima sa kanilang paradahan ng bigla na lamang itong nilapitan ng hindi pa nakilalang suspek at pinagbabaril sa ulo gamit ang kalibre 38 na baril.

Sa kabutihang palad ay hindi umano tuluyang bumaon sa ulo ng biktima ang dalawang bala habang ang isang bala ay tumalbog lamang.

Agad na dinala sa ospital ang biktima habang naiwan pa sa ulo nito ang dalawang bala.

Ayon kay Major de Castro, posibleng paltik ang baril na ginamit at luma na rin ang bala.

Tuluyan nang naalis sa ulo ng biktima ang dalawang bala at nagpapagaling na ito sa ospital.

Ayon naman umano sa salaysay ng biktima, wala naman siyang nakaalitan o nakaaway bago pa man ang insidente.

Pinaghahanap na ng mga awtoridad ang suspek at inaalam na ang motibo.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *