Nasunog ang isang tricycle matapos na may maglaro umano ng posporo sa Old Buncag sa Barangay Mandaragat sa Puerto Princesa City ngayong Lunes, February 13, 2023.
Ayon sa may-ari nito na si Sunshine Echavez, sa pagitan ng alas-nwebe at alas-diyes ay pinuntahan na lamang siya sa kanyang bahay habang kumakain at ipinaalam sa kanyang ang insidente.
Mabilis umanong lumiyab ang tricycle kaya nasunog ang bubong nito, upuan at tangke nito.
Sa pagtatanong-tanong nito ay nalaman ni Sunshine na dalawang bata na hindi lalagpas ang edad sa sampu ang suspek sa pagkasunog ng sasakyan.
Personal umano niyang nakausap ang dalawang bata at inamin nito na naglaro sila ng posporo habang nakatambay kanina sa tricycle.
Gayunpaman, ang isang magulang ng bata ay nangako na makikipagtulungan upang mabayaran ang danyos sa tricycle.