Trillanes, inalmahan mga akusasyon kaugnay sa 2012 back-channel talks

Hinimok ni dating senador Antonio Trillanes si dating senador Juan Ponce Enrile na mag-fact check sa media bago magsalita tungkol sa anuman isyu na may kinalaman sa back-channel talks sa China noong 2012.

Nabanggit kasi ni dating senador Juan Ponce Enrile sa Talk To The People ni Pangulong Rodrigo Duterte kagabi na na-bypass ang dating ambassador ng Pilipinas sa China na si Sonia Brady nang maging negotiator si Trillanes sa backchannel talks.

Sa isang tweet ay sinabi ni Trillanes na dapat ay mag-fact check si Enrile dahil dumating noon si Brady sa Beijing noong maagang bahagi ng Agosto o huling bahagi ng July kung kailan ay patapos na ang backchannel talks.

Ipinunto ni Trillanes na kahit kailan ay hindi naging present si Brady sa mga backchannel meeting mula May hanggang July.

Nanindigan din si Trillanes na nasabihan niya si Brady noon tungkol sa backchannel talks sa gitna ng 2012 standoff ng dalawang bansa sa Scarborough Shoal.

Pero ipinunto ni Trillanes na isang beses lang sila nagkausap ni Brady, at pagkatapos nito ay winakasan na niya ang pakikipagpulong sa mga Chinese officials.

Samantala, sinabi rin ni Trillanes na siya ang napili noon bilang backchannel negotiator, dahil hindi katulad ni Enrile, ay may tiwala sa kanya si dating pangulong Benigno Aquino III.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *