Tsuper, arestado matapos umanong banggain ang tricycle ng nakaalitang kainuman sa Cauayan City

Arestado ang isang tsuper matapos umanong banggain ang lulang tricycle ng nakaalitang kainuman sa pambansang lansangan na sakop ng Brgy. San Fermin, Cauayan City.

Kinilala ang suspek na si Bern Purgarillas, 45 anyos,  at residente sa nabanggit na barangay.

Habang ang biktima ay kinilalang si Joseph Feliipe, 38 anyos, may asawa, tsuper, at residente ng Beverly Hills Subdivision, Brgy. Cabaruan, Cauayan City, Isabela.

Sa imbestigasyon ng Cauayan City Police Station, nagtungo ang dalawa sa isang resto-bar sa may Brgy. San Fermin na kapwa nasa impluwensya ng nakalalasing na inumin.

Habang nasa bar ay nagkaroon ng maiinit na pagtatalo ang dalawa kung saan pinagbantaan pa umano ni Purgarillas ang biktimang si Felipe.

Dahil dito ay pinili na umanong umuwi ng biktima lulan ang kaniyang tricycle subalit sinundan umano siya ng suspek at nang makarating sa pinangyarihan ng insidente ay sinadya umanong banggain ni Purgarillas ang tricycle ng biktima.

Nagtamo ng malalang sugat sa iba’t-ibang parte ng katawan ang biktima kung saan nabali pa ang balikat nito habang nagtamo naman ng sugat sa ulo at sa kaniyang mata ang suspek.

Isinugod naman sa pribadong pagamutan ang biktima at kasalukuyan nang nagpapagaling habang agad ding nilapatan ng kaukulang lunas ang suspek pagkatapos dinala sa himpilan ng pulisya.

Sa panayam namang ng 92.9 Brigada News FM Cauayan sa suspek, hindi umano niya sinadyang mabangga ang nakaalitang biktima.

Ayon sa salaysay niya, nag-ugat ang kanilang away dahil sa babayarang bill ng kanilang nainom na alak.

Dahil hindi nagkaunawaan kung sino ang magbabayad ay dito na sila nagtalo ngunit iniwan niya umano ang biktima sa bar subalit sinundan umano siya nito.

Nang maabutan umano siya ng biktima ay nagkausap naman sila nang maayos at sinabihang bumalik nalang at mag-inuman ulit.

Nang pabalik na ay bigla umanong tumigil si Felipe at dahil sa bilis ng patakbo ay aksidenteng nabangga ang tricycle nito.

Ihaharap ngayong araw sa piskalya si Purgarillas at posibleng maharap sa kasong frustrated homicide.

Photo/ PNP Cauayan

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *