Nakalaya na ang tatlong vlogger na nagsagawa ng “kidnapping prank” sa Las Piñas City matapos makapagpyansa sa Metropolitan Trial Court.
Kung maalala, inaresto noong Abril ngayong taon ang kinilalang vloggers na sina Mark Lester San Rafael, Mark Hiroshi San Rafael, Eleazar Stephen Fuentes ng TUKOMI channel matapos hilahin ang isang lalaking nakasuot ng sando at shorts sa kanilang sasakyan habang nakasuot ng itim na bonnet.
Kaugnay nito, agad namang rumesponde ang isang off duty Philippine National Police Integrity Monitoring and Enforcement Group Philippine (PNP IMEG) agent na siyang nagtutok naman ng kanyang baril sa tatlo matapos akalaing totoo ang nagaganap na prank na kidnapping.
Matapos kumaharap ng kaso dahil sa alarm at scandal na naidulot nila sa nasabing lugar ay nakalaya na ang mga ito.
Sa kabila ng paglaya ng tatlo, nagpaalala naman ang pulisya sa iba pang vloggers na maging maingat sa pagsasagawa ng mga content.