‘Tulak’ todas sa buy-bust

SORSOGON CITY – Patay ang isang ‘tulak’ ng ilegal na droga nang manlaban umano sa mga aarestong pulis matapos ang ikinasang buy-bust operation sa bayan ng Pilar, Sorsogon.

Kinilala ang suspek na si Jay-ar Lomerio Quintana, 31-anyos ng Brgy Mercedes ng nasabing bayan.

Sa ulat, dakong alas 8:30 kagabi nang magsagawa ng buy-bust operation ang pinagsanib na puwersa ng mga drug enforcement units ng Sorsogon PNP at RO5 hinggil sa illegal na aktibidad ng suspek.

Sa kasagsagan ng transaksyon ay nakahalata umano ang suspek na pulis ang kanyang ka-deal kung kaya’t bumunot ito ng baril at pinaputukan ang mga pulis na aaresto sana sa kanya.

Dahil nakaalerto na ang mga operatiba, ginantihan ng putok ang suspek na nagresulta sa kaniyang kamatayan.

Narekober ng mga awtoridad mula sa suspek ang marked money na P1,000.00 at 25 pirasong P1,000 boodle money na pinagbentahan ng dalawang sachet ng hinihinalang shabu.

Sa crime scene ay narekober ang isang kalibre 38 na revolver na kargado ng apat na bala, isang basyo ng bala mula sa nasabing baril at 6 na basyo ng bala mula sa kalibre 9mm na baril.

PHOTOS exclusive for Brigada News FM-Sorsogon

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *