Turismo sa Brgy Buhatan, apektado ng mga pag-uulan; pagproduce ng asukal mula sa nipa plant sisimulan na rin

Apektado ng mga pag-uulan ang turismo sa Barangay Buhatan, ito ang kinumpirma ni Kapitan Edwin Divina sa pakikipagpanayam ng Brigada News Sorsogon.

Sa katunayan aniya, simula buwan ng Oktubre ng nakalipas na taon hanggang ngayong buwan ng Pebrero ay patuloy ang pag-ulan at maraming mga reserbasyon mula sa mga turista ang nakansela.

Hindi rin kasi magiging maayos ang pagbisita ng mga ito dahil hindi rin nila ma-eenjoy ang mga atraksyon na kanilang iniaalok tulad ng Buhatan River Cruise dahil sa malakas na agos ng tubig gayundin ang Firefly Watching dahil hindi naman lumalabas ang mga alitaptap kapag maulan.

Gayunpaman, positibo ang opisyal na ngayong susunod na buwan ng Marso at sa panahon ng tag-init o summer ay muling magbabalik sigla ang turismo sa kanilang lugar at muling dadagsa ang mga turista para na rin sa karagdagang kita ng kanilang mga residente partikular na ang mga kasapi ng Buhatan Eco-Adventure Service Cooperative na siyang nangangasiwa sa nasabing mga atraksyon.

Una rito, binanggit ng opisyal na ngayon pa lang nag-uumpisang bumangon muli ang turismo sa kanilang lugar matapos na ito’y magsara dahil sa mga restriksyon bunsod ng Covid-19 pandemic.

Samantala, inihayag din ng opisyal na bukod sa kanilang nipa vinegar ay sisimulan na rin ng kanilang mga residente partikular na ng mga kasapi ng Buhatan Nipa Food Production Wokers Association ang paggawa ng produktong asukal mula pa rin sa nipa sap.

Ayon dito, ang produksyon ng asukal ay plano nilang simulan oras na nakabili na sila ng mga kinakailangang kagamitan tulad ng malalaking kawa at kalan upang matiyak na de kalidad na asukal ang kanilang magagawa.

Binanggit din ng opisyal na ang ipinauubaya naman nila sa Department of Science and Technology o DOST ang pag-aaral sa nasabing produkto upang maaprubahan ito ng BFAD at nang Food and Drug Administration o FDA. Pinasalamatan naman ng opisyal ang kanilang mga residente sa inisyatiba ng mga ito upang magkaroon ng dagdag pangkabuhayan at sa kooperasyon na ibinibigay sa lahat ng mga livelihood projects ng barangay.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *