Naniniwala si Bohol Third District Representative Alexie Tutor na ang darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Lunes ang tamang panahon upang suriin ang mga kandidatong naging aktibo sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Tutor, dapat timbangin ng mga botante ang performance ng incumbent barangay officials at mga kumakandidato kung consistent ang kanilang serbisyo publiko noong pandemya.
Giit ng kongresista, huwag nang isama sa balota ang mga kandidatong hindi man lang nakita sa komunidad sa panahong kailangan ang tulong nila pati na ang mga naging aktibo nang paghandaan ang kampanya sa BSKE.
Ipinunto rin ni Tutor na hindi dapat magpaimpluwensiya ang taumbayan sa anumang halaga ng vote buying, pagpapasimuno ng inuman o pamamahagi ng regalo lalo na ng mga kandidatong incompetent at sangkot sa korapsyon at kahina-hinalang aktibidad.
Paalala pa nito, huling nagkaroon ng eleksyon noong May 2018 kaya dapat maging matalino sa pagpili ng napupusuang maglilingkod sa barangay.