‘Underwater hull inspection,’ isinagawa ng PCG-Bicol sa sumadsad na cargo ship sa bayan ng Barcelona

Isinagawa kahapon ng hapon ng PCG-Bicol ang underwater hull inspection sa sumadsad na landing craft tank (LCT) sa Brgy Luneta, Barcelona, Sorsogon.

Sa pahayag sa Brigada News ng PCG-Sorsogon, standard operating procedure nila ang pag-inspect ng ilalim at katawan ng barko o hull na sumasadsad para malaman kung may irregularidad, butas, tagas o posibilidad ng pagkakaroon ng oil spill ganoon din ang seabed kung mayroong marine damages.

Ang inspeksyon ay isinagawa ng Coast Guard Special Operation Unit-Bicol, Coast Guard Marine Environmental Protection Sorsogon, PCG-Sorsogon katuwang ang MDRRMO-Barcelona.

Ayon sa ulat ng PCG-Sorsogon, ang cargo vessel na LCT Regent 101 na pag-aari at pinamamahalaan ng Southern Regent Shipping Inc. ay sumadsad sa katubigan ng Sitio Boracay, Brgy Luneta ng nasabing bayan. Naglayag ito mula Lazi, Siquijor noong Enero 19 at patungo sana ng Lidong, Albay subalit nakasagupa ang masamang panahon noong Enero 20.

Lulan ng nasabing cargo vessel ang 18 na crew kabilang na ang Kapitan ng barko na si Ferdinand Escarian.

Ayon sa Barcelona MPS, lahat ng crew ay ligtas at walang nasaktan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *