US, tutulong sa India matapos ang global record-high sa COVID-19 daily cases

Inanunsyo ng Estados Unidos na naghahanda na ito na tulungan ang India.

Kamakailan ay naitala ng India ang global record ng pinakamaraming bilang ng mga bagong COVID-19 infections sa loob lamang ng isang araw.

Sa nakalipas na 24 oras ay nagkaroon ang India ng 349,691 na bagong kaso ng COVID-19.

Sinabi ni US Secretary of State Anthony Blinken na nakikisimpatya sila sa India sa gitna ng katakot-takot na COVID-19 outbreak na nararanasan nito.

Ayon kay Blinken, nakikipag-ugnayan na sila sa kanilang mga partners sa Indian government para mapabilis ang paghatid ng suporta para sa mga mamamayan ng India.

Matatandaan na naharap ang US sa kritisismo dahil sa export controls sa raw materials para sa mga bakuna sa pamamagitan ng Defense Production Act at associated export embargo noong Pebrero.

Nitong buwan lamang ay hinimok ng Serum Institute of India (SII) si US President Joe Biden na i-lift ang embargo sa US exports ng raw materials, na nakasasama sa produksyon ng AstraZeneca shots.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *