Vaccination requirement sa mga aplikante sa trabaho, legal ayon sa Pangulo

Nanindigan si Pangulong Rodrigo Duterte na karapatan ng mga employers na tanggihan ang aplikasyon sa trabaho ng mga indibidwal na hindi pa nababakunahan kontra COVID-19.

Inihayag ito ng Pangulo sa gitna ng mga diskusyon kaugnay sa pagbibigay ng disincentives sa mga hindi pa sumasailalim sa inokulasyon kontra COVID-19 sa kabila ng gumagandang suplay ng bakuna.

Iginiit ng Punong Ehekutibo sa kaniyang Talk to the People na mahirap na kung mahawaan ng infected na indibidwal ang mga katrabaho nito.

Ipinunto rin ng Pangulo na ang pagtanggi ng employers sa aplikasyon ng mga hindi pa nababakunahang mga indibidwal ay indikasyon lamang ng pagprotekta sa kanilang mga ari-arian, investments, at negosyo.

Binigyang diin rin ng Pangulo na paraan nila ito para protektahan ang mga sarili nilang mga empleyado.

Una nang sinabi ni National Task Force Against COVID-19 (NTF) spokesperson Restituto Padilla Jr. na pinag-uusapan na sa gobyerno ang pag-iimplementa ng mandatory vaccination laban sa COVID-19.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *