Vendor, arestado sa buy-bust OPS sa isang hotel sa Alicia, Isabela

Timbog ang isang vendor matapos umanong mabilhan ng iligal na droga sa ikinasang drug buy-bust operation ng mga otoridad sa isang hotel room sa Brgy. Victoria, Alicia, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng 92.9 Brigada News FM Cauayan sa PNP Alicia, kinilala ang suspek na si MJ Calica, 20-anyos, binata, isang vendor at residente ng Brgy. Callao, Alicia.

Bago ang naturang insidente bandang alas-6 noong gabi ng April 26, 2021 ay nakatanggap ang Alicia Police Station ng impormasyon na magbebenta umano ng iligal na droga sa sinumang interesadong buyer sa naturang lugar.

Dahil dito ay agad na nagsagawa ng operasyon ang pinagsanib-pwersa ng PNP Alicia, PDEU Isabela at PIU laban sa suspek.

Ayon pa sa pulisya, positibo umanong nabili ng isang poseur buyer kay Calica ang isang pakete na naglalaman ng pinaniniwalaang shabu kapalit ang 500 pesos.

Narekober din sa pag-iingat ng suspek ang isang improvised shot gun na may dalawang bala.

Samantala, sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay Calica, mangiyak-ngiyak naman nitong itinanggi na nagbebenta siya ng iligal na droga.

Sinabi pa nito na may dalawa siyang kasamahan na nakatakas bago ang pagkakahuli sa kanya at sinabing niyaya lamang siya sa hotel ng mga ito.

Napag-alaman naman na ang naarestong suspek ay una na umanong nahuli sa kaparehong kaso noong 2018.

Nahaharap si Calica sa kasong paglabag sa RA9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *