Vice Chairperson ng House Committee on Ethics and Privileges, may desisyon na kaugnay ng pagkabigo ni Negros Oriental Rep. Teves na bumalik sa bansa

LEGAZPI CITY – Inihayag ni Vice Chairperson on Ethics and Privileges at Ako Bicol Party-list Rep. Cong. Atty. Jil Bongalon na mayroon na silang desisyon kaugnay ng pagkabigo ni Negros Oriental 3rd District Rep. Arnie Teves na bumalik sa bansa.

Ayon kay Bongalon, sa naging botohan ng house panel, mayroong dalawang daan at siyamnapu’t dalawang boto para sa animnapung  araw na suspensyon kay Teves batay sa kanilang pag-aaral ng ethics and privileges.

Aniya, ang pagsususpinde kay Teves ay dahilan ng kanyang paglabag na disorderly behavior.

Dahil dito, hindi na pinapayagan ang mambabatas na manatili pa sa ibang bansa matapos mag-expire ang travel authority sa kanya ng Kamara at ito ay hinihikayat na bumalik na rin sa bansa.

Ngunit sa kabila ng alok ng Kamara na bigyan ng seguridad at safe house para lamang bumalik ng bansa, hindi pumayag si Teves, kung kaya’t napagdesisyunang ipatupad ang disciplinary action.

Dagdag pa ni Bongalon, nakipag-usap na rin ang abogado ni Teves kay House Speaker Martin Romualdez upang iparating ang patungkol sa security threat sa kanyang buhay.

Tiniyak naman ni Romualdez na walang mangyayari sa kanyang buhay dahil mayroong inalok ang Kamara para sa kanyang kaligtasan.

Binigyang-diin nito, wala nang panahon si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na makipag-usap pa rito at tanging panawagan ng pangulo na umuwi na siya ng bansa upang patunayang siya ay inosente at walang kinalaman sa pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo.

Sinabi naman ni Teves, hanggang sa ngayon ay wala pa namang inilalabas na warrant of arrest laban sa kanya.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *