KORONADAL CITY- IKINATUWA at pinasalamatan ni South Cotabato Vice Governor Arthur “Dodo” Pingoy Jr ang pag-abswelto sa kanya ng Sandiganbayan kaugnay sa pork barrel scam noong ito’y kongresista pa ng Segundo distrito ng South Cotabato.
Dahil sa desisyon ng anti-graft court, inihayag ni Pingoy na napatunayan nito na wala siyang kasalanan at kinalaman sa Priority Development Assistance o PDAF scam ng negosyanteng si Janet Lim Napoles.
Ayon sa bise gobernador, gumaan na ang kanyang pakiramdam dahil nawala na ang pinapasan nitong isyu na ilang taon ding nakakabit sa kanyang pangalan lalo’t una na itong hinusgahan ng publiko.

Pinasalamatan din ng opisyal ang mga taong patuloy na nagtitiwala sa kanya sa kabila ng pagkakadawit nito sa PDAF scam.
Sa inilabas na desisyon ng Special Second Division ng Sandiganbayan, not guilty si Pingoy sa umanoy illegal disbursement ng P 20 million na pondo mula sa kanyang PDAF.
Ayon sa korte, walang sapat na ebidensya na dawit si Pingoy sa naturang scheme at maging ang PDAF whistleblower na si Benhur Luy ay umamin na hindi nito kailanman nakita si Pingoy o nagbigay sa kanya ng pera bilang kickback.