Voters’ Registration wala nang extension, pagtungo ng Comelec sa mga barangay para sa satellite registration malaking tulong para hindi dumagsa ang mga tao sa kanilang opisina

CAMARINES NORTE- Nagpaalala ang Commission on Elections (Comelec) na wala nang extension ang Voters’ Registration para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) at ito ay hanggang ngayong araw na lamang Enero 31.

Sa panayam ng Brigada News FM Daet kay Election Officer III Annelyn Abanes ng Comelec Speaker’s Bureau, hinikayat nito ang mga hindi pa nagpaparehistro na magtungo na ngayong araw sa mga opisina ng Comelec.

Binigyang diin ni Abanes na para makalahok sa gagawing Barangay at SK Elections sa Oktubre at magkaroon ng karapatang pumili ng mga susunod na lider ng barangay ay ang pagpaparehistro ang unang hakbang.

“Kaya po hinihikayat ko ang lahat na kung gusto ninyong mag- participate at makaboto, magkaroon ng karapatan ngayong election na to ng barangay at sk elections ay magrehistro muna kayo, obligasyon ng bawat Pilipino na magrehistro muna bago kayo magkaroon ng karapatang bomoto,” ani Abanes.

Nilinaw din nito na walang karagdagang oras ang voters registration at ito ay hanggang alas 5 lang talaga ng hapon ngayong araw.

Gayunman sa pagpatak ng alas 5 at mayroon pang nasa premises ng Comelec ay kukunin ang mga pangalan at i- aacomodate pa rin ito.

Batay sa datos ng Comelec nasa 4, 561 ang nagparehistro sa lalawigan simula noong Disymebre 12, 2022 hanggang Enero 28, 2023.

Dagdag pa ng opisyal na kaya walang masyadong dagsa ng mga tao sa mga huling araw ng voters’ registration ay dahil nakatulong ang pagtungo nila sa mga barangay para magsagawa ng voters’ registration.

Bukod sa Barangay, nagdaos din ng satellite registration ang Comelec sa mga eskwelahan.

“Halos na- saturate na namin ang natitira na lang ngayon ay yung mga 14 yrs old na magpi -15 by October at saka ay daming transferee.”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *