‘Warrant of Seizure and Detention’ inisyu na ng BOC sa P1M halaga ng smuggled na sigarilyo na nasabat sa Matnog Port

Nagpalabas na ng Warrant of Seizure and Detention ang Bureau of Customs (BOC) sa mga pinuslit na sigarilyo na nasabat ng BOC-Legazpi at PCG Matnog sa pantalan ng Matnog, Sorsogon.

Sa Press Release na ibinigay sa Brigada News ng BOC-Legazpi Collection District, nakasaad na ang naharang ay 16 na karton na naglalaman ng 758 reams ng sigarilyo na may market value na Ph1, 061,200.00.

Ang nasabing sigarilyo ay lulan sa isang Urvan Shuttle at nagmula sa Ongpin, Manila at patungo sa Cebu City.

Wala umanong naipakitang legal na dokumento ang mga suspek at sa inisyal na inspection, ang package ng sigarilyo ay walang revenue seal, na nangangahulugang hindi binayaran ang kaukulang buwis na dapat bayaran sa gobyerno.

Kinilala ang mga suspek na sina Mark Anthony Donaire Guliman, 35-anyos; Mark Nigel Cabrera Fabi, 33-anyos at Shaider Conde Regalado, 35-anyos.

Mahaharap ang mga ito sa patong-patong na kasong paglabag sa section 117 at section 1113 ng RA 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act kaugnay ng Amended Rules and Regulations Governing Exportation and Importation of Tobacco and Tobacco Products alinsunod sa EO No. 245, gayundin ang paglabag sa RA No. 8424 na kilala bilang National Internal Revenue Code of the Phils.

Ayon kay BOC-Legazpi Collector Sigmundfreud Barte Jr,  ang kanilang BOC Border Team ay patuloy sa mahigpit na pagpapatupad ng customs laws at regulations, alinsunod sa 5-point agenda ni BOC Commissioner Bienvenido Rubio, upang masugpo ang smuggling sa lahat ng anyo ayon na rin sa direktiba ni Pang. Ferdinand Marcos Jr.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *