𝗕𝗜𝗡𝗔𝗧𝗔𝗡𝗚 𝗦𝗨𝗦𝗣𝗘𝗞 𝗦𝗔 𝗣𝗔𝗡𝗔𝗡𝗔𝗞𝗦𝗔𝗞 𝗡𝗚 𝗦𝗔𝗥𝗜𝗟𝗜𝗡𝗚 𝗧𝗜𝗬𝗔𝗛𝗜𝗡, 𝗡𝗔𝗚𝗕𝗜𝗚𝗧𝗜-𝗣𝗔𝗧𝗔𝗬

Wala nang buhay nang matagpuan sa kaniyang kalapaw ang binatang suspek sa pananaksak ng sariling tiyahin sa Dupax Del Sur, Nueva Vizcaya.

Sa nakuhang impormasyon ng 92.9 Brigada News FM Cauayan sa Dupax Del Sur Police Station, isinalaysay ng biktima na nagtungo ang kaniyang 18-anyos na pamangkin sa kanilang bahay upang makitulog kung saan pinakain pa niya ito.

Kaugnay dito, habang kumakain ang kaniyang pamangkin ay kumuha naman ng kumot ang biktima ngunit paglabas nito sa kwarto agad na siyang sinaksak ng kaniyang pamangkin gamit ang kitchen knife.

Nagawang makatakbo ng biktima upang humingi ng tulong na idinala naman sa pagamutan upang lapatan ng lunas habang tumakas naman ang suspek.

Nagtamo ng apat na saksak ang biktima at nasa maayos nang kalagayan.

Kinaumagahan ay nakita na lamang umano ang suspek na nakabigti na sa kaniyang kalapaw.

Dagdag pa ng biktima nasa impluwensiya ng nakalalasing na inumin ang suspek nang nagtungo ito sa kanilang tahanan ngunit dati na umano itong nakikitulog sa kanila kaya’t nagulat na lamang ito na magagawa ng kaniyang pamangkin na manaksak.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *