𝗗𝗥𝗔𝗬𝗕𝗘𝗥 𝗡𝗚 𝗠𝗢𝗧𝗢𝗥 𝗡𝗔 𝗡𝗔𝗦𝗔 𝗜𝗠𝗣𝗟𝗨𝗪𝗘𝗡𝗦𝗜𝗬𝗔 𝗡𝗚 𝗔𝗟𝗔𝗞, 𝗦𝗨𝗠𝗔𝗟𝗣𝗢𝗞 𝗦𝗔 𝗜𝗦𝗔𝗡𝗚 𝗧𝗥𝗔𝗬𝗦𝗜𝗞𝗘𝗟; 𝗔𝗣𝗔𝗧, 𝗦𝗨𝗚𝗔𝗧𝗔𝗡!

Sugatan sa araw ng pasko, December 25, ang apat na katao matapos sumalpok ang isang motorsiklo sa kasalubong na traysikel sa Provincial Road ng Brgy. Gomez, San Isidro, Isabela partikular sa harap ng New San Isidro Public Market.

Nasa impluwensiya ng nakalalasing na inumin ang drayber ng motor na hindi pa nalalaman ang kaniyang pagkakakilanlan habang kinilala naman ang drayber ng traysikel na si Arnel Mabalay, 43-anyos, na isang traysikel drayber mula sa Brgy Nagassican, Santiago City.

Nadamay din ang tatlong pasahero ng traysikel kabilang na rito si Charmain Godoy 29-anyos, na residente ng Brgy Camarag, San Isidro, Isabela.

Lumalabas sa imbestigasyon ng pulis na binabagtas ng motor ang kalsada papunta sa Brgy. Camarag habang patungo naman sa Brgy. Rizal East ang traysikel.

Base naman sa salaysay ng mga nakasaksi sa aksidente, mabilis ang patakbo ng motor kung saan nang-agaw din ito ng linya sa kalsada.

Sinubukan pang umiwas ng traysikel subalit sumalpok pa rin ang motorsiklo sa harapang bahagi ng side car.

Dahil sa lakas ng impak nito, nagtamo ng sugat ang mga pasahero ng traysikel maging ang drayber ng motor na kaagad namang isinugod sa pagamutan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *