𝗜𝗠𝗕𝗘𝗦𝗧𝗜𝗚𝗔𝗦𝗬𝗢𝗡 𝗦𝗔 𝗣𝗔𝗠𝗔𝗠𝗔𝗥𝗜𝗟 𝗡𝗔 𝗜𝗞𝗜𝗡𝗔𝗦𝗔𝗪𝗜 𝗡𝗚 𝟲𝟬-𝗔𝗡𝗬𝗢𝗦 𝗡𝗔 𝗕𝗔𝗕𝗔𝗘 𝗦𝗔 𝗦𝗧𝗔. 𝗟𝗨𝗖𝗜𝗔𝗡𝗔, 𝗡𝗔𝗚𝗣𝗔𝗣𝗔𝗧𝗨𝗟𝗢𝗬

Nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Cauayan City Police Station insidente ng pamamaril na ikinasawi ng 60-anyos na babae sa Sta. Luciana, Cauayan City, Isabela.

Ang nasawi ay kinilalang si Marcelina Mamauag, 60-anyos, walang asawa, isang magsasaka at residente sa nasabing lugar.

Sa nakuhang impormasyon ng 92.9 Brigada News FM Cauayan sa PNP Cauayan, lumalabas sa kanilang imbestigasyon na pasado alas-dose ng gabi nang pinagbabaril ang biktima habang natutulog ito sa loob ng kanyang kwarto kasama ang 15-anyos nitong pamangkin.

Sinira umano ng suspek ang main door ng bahay ng biktima upang makapasok ito at nang makarating sa kwarto ay dito na niya pinagbabaril ng tatlong beses ang biktima.

Matapos ang pamamaril ay tumakas ang suspek na isang matangkad na lalaki na nakasuot ng Camouflage at bonete sa hindi pa malamang direksyon.

Sa ngayon, patuloy parin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad upang malaman ang motibo sa pamamaril habang tinututukan naman ang dalawang natukoy na person of interest na boluntaryong sumailalim sa paraffin test.

Nasamsam sa crime scene ang basyo ng bala ng isang calibre 45 na posibleng ginamit ng suspek sa pamamaril.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *