1 patay sa salpukan ng van at motorsiklo sa Cauayan City

Isa patay sa nangyaring banggaan ng van at motorsiklo sa pambansang lansangan sa bahagi ng Brgy. Cabaruan, Cauayan City, Isabela noong gabi ng August 22, 2021.

Kinilala ang biktima na si Alvin Dela Pena, 29-anyos, single, machine operator at residente ng Brgy. Dimasari, Palanan, Isabela.

Sa pakikipag-ugnayan ng 92.9 Brigada News FM Cauayan sa imbestigador ng na Cauayan City Police Station batay sa kanilang pagsisiyasat, binabaybay ng biktima ang naturang lansangan lulan ang motorsiklo nito patungo sa north direction at papauwi na sa tinutuluyang bahay sa barangay Tagaran, Cauayan City.

Habang galing naman sa kasalungat na direksyon ang van na minamaneho ni Jerry Ordonio, 26-anyos, professional driver at residente ng Zone 2, San Mariano, Isabela.

Nang makarating sa pinangyarihan ng insidente ay pakaliwa na sana ang van patungo sa centro Cauayan subalit dito ay aksidenteng nabangga ng motorsiklo matapos umano itong mag-overtake sa sinusundang sasakyan.

Dahil sa lakas ng banggaan ay nagtamo si Dela Pena ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kaniyang katawan at isinugod pa sa pagamutan ng mga kasapi ng Rescue 922 subalit binawian din ng buhay.

Nasa pangangalaga na ng PNP Cauayan ang tsuper ng van na posibleng maharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide and Damage to Property.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *