1 sugatan, matapos masiraan at bumaliktad sa daan ang pampasaherong jeep sa Naguilian, Isabela

Sugatan ang isang menor de edad matapos bumaliktad ang sinasakyang pampasaherong jeep sa provincial road ng Brgy. Palattao Naguilian Isabela noong araw ng Linggo, July 11, 2021.

Kinilala ang drayber ng jeep na si Jonathan Sabban, 38 anyos may asawa at residente ng Brgy. District 1, Benito Soliven, Isabela.

Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay PSSgt. Charlie Capuchino ang imbestigador ng Naguilian Police Station, galing umano ng Benito Soliven, Isabela ang pampasaherong jeep na minamaneho ni Sabban at nakatakdang pumunta sa lunsod ng Cauayan.

Nang makarating ito sa pinangyarihan ng insidente ay nagkaroon umano ng mechanical defect o nasira ang U-bolt ng jeep dahilan upang mawalan ng kontrol sa manibela si Sabban hanggang sa bumaliktad ang minamanehong jeep sa daan.

Nagtamo ng minor injury sa kaliwang bahagi ng paa ang isang menor de edad na pasahero ni Sabban na agarang idinala sa pagamutan habang ligtas naman ang 12 pa nitong pasahero.

Samantala, ayon pa kay PSSgt. Capuchino, hindi na sinampahan pa ng kaso ang drayber dahil nagkaroon na umano ito ng agreement sa biktima na siya na ang magbabayad sa gamot at bayarin  nito sa hospital.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *