1 sugatan sa nangyaring sunog sa Ramon, Isabela

Isa ang sugatan sa nangyaring sunog sa isang family house sa Bugallon Proper, Ramon, Isabela ngayong araw.

Sa panayam ng 92.9 Brigada News kay SFO2 Susana Rivera ng Ramon Fire Station, kinilala ang biktima na si Noel Christian Biag, 22-anyos na anak ng may-ari ng naturang bahay.

Ayon kay SFO2 Rivera, bandang alas-6:13 ngayong umaga nila natanggap ang tawag kaugnay sa naturang sunog na agad naman nilang nirespundehan.

Pagdating aniya sa lugar ay malaki na ang apoy na umabot sa first alarm dahil gawa sa light material ang naturang bahay.

Rumespunde aniya ang kanilang dalawang firetruck hanggang sa tuluyang naapula ang apoy.

Sinabi pa ni SFO2 Rivera na hindi na rin nila naabutan sa lugar ang biktima dahil kaagad umano siyang dinala sa pagamutan matapos magtamo ng sunog sa kaniyang likod at paa.

Aniya, pinilit umano ng biktima na kunin ang motorsiklo sa garahe na bahagi nang nasusunog na bahay.

Maliban sa kaniya ay wala naman na umanong iba pang nasugatan sa nangyaring sunog gayunman ay tinupok ng apoy ang mga nakaimbak na kagamitan sa loob nito.

Batay aniya sa kanilang inisyal na imbestigasyon, posibleng nagmula ang sunog sa electricals o wirings.

Bagaman, wala aniyang namamalagi sa nasunog na bahay ay palagi umanong isinisindi ng may-ari ang ilaw doon.

Bago rin umano ang sunog ay nakarinig sila nang tila pagsabog sa loob ng bahay.

Kaugnay nito ay pinaalalahanan ng Ramon Fire Station ang publiko na lugaliing tingnan ang kanilang mga wire ng kuryente o appliances para maiwasan ang sunog.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *