124 na trabahante na narekrut mula Masbate at mga Intsik, kalaboso sa bogus factory

Inilipat na sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Rosales, Pangasinan ang 124 na trabahante ng huwad na pabrika ng pagawaan ng sigarilyo na ni-raid ng mga awtoridad sa bayan ng Rosales.

Sa pahayag sa Brigada News ng Rosales MPS, ang nasabing factory ay sinalakay ng BIR at CIDG Lingayen PFU, hapon noong Nobyembre 28. Ang pabrika ay agad na isinara ng BIR at ang mga trabahante ay dinala sa Lingayen at pansamantalang idinetene sa quarantine facility ng nasabing lugar.

Ang pabrika ng sigarilyo ay pag-aari umano ng isang Chinese national na sinampahan ng kaso ng BIR dahil sa paglabag nito sa Internal Revenue Code partikular ang section 265-c o ang Offenses Relating to Stamps, kung saan pineke umano ng may-ari ang BIR stamp.

Sa pahayag naman sa Brigada News ng CIDG Lingayen PFU, ibinaba na ng korte  ang commitment order sa mga factory workers kung kaya’t inilipat na nila ang mahigit 100 akusado kabilang ang 22 Chinese national at mga trabahante mula Masbate.

Nabatid na karamihan sa mga Masbateήos na narekrut ay mula sa bayan ng Milagros at Mandaon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *