13 empleyado ng ‘love scam den’, na-rescue sa Silang, Cavite

Na-rescue ng mga awtoridad ang 13 empleyado ng isang ‘love scam’ den sa Silang, Cavite.

Ito ay matapos na may matanggap na mensahe ang mga kapulisan mula mismo sa ilang love scam worker kung saan sinasabing ikinulong sila ng kanilang employer.

Ayon kay Silang, Cavite MPS Chief Lt. Col Romulo Dela Rea, noong una raw ay ginawang encoder ang mga empleyado at kalauna’y nalaman ng mga ito na ang negosyong kanila palang napasukan ay may kinalaman sa love scam.

Batay sa salaysay ng mga biktima, gumagamit daw sila ng computer upang makapanloko ng tao na karaniwan ay mga foreigners.

Ikinulong daw sila ng kanilang amo simula noong July 1 kung saan hindi sila pinpayagang lumabas.

Pinagbantaan pa raw ang kanilang buhay sakaling malaman na may nagrereport sa mga awtoridad tungkol sa love scam.

Matapos naman ang naging operasyon ng Silang MPS, ligtas nilang narescue ang mga biktima at naaresto ang nasa likod ng krimen.

Nakilala ang mag suspek na sila Kenchie Suico ang manager ng love scam den kasama ang kanyang live-in partner na si Hannah Jurada Mahinay.

Kaugnay nito, nakumpiska sa kanila ang 18 desktop computer at 178 na cellphones.

Sa ngayon ay hawak na ng mga awtoridad ang dalawang suspek na mahaharap sa kasong Serious Illegal Detention, Grave Threats at Grave Coercion.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *