13th month pay, obligasyon ng employer; Bonus, diskresyon

SORSOGON CITY – Obligasyon ng isang employer na magbigay ng 13th month pay sa kanyang mga empleyado habang diskresyon naman ng mga ito kung sila ay magbibigay ng bonus, ito ang naging pahayag sa Brigada News FM-Sorsogon ni Department of Labor and Employment (DOLE)-Bicol Spokesperson Johanna Gasga.

Ayon dito, ang nasabing 13th month pay ay dapat na cash at kailangang ibigay nang hindi lalampas sa Disyembre 24 ng bawat taon.

Sinabi rin ng opisyal na ang pagkompyut ng 13th month pay ay ang pagsama-sama ng batayang sahod ng empleyado sa loob ng taong-kalendaryo at hatiin ito sa 12. Kung hindi pa nakakaisang taon, kompyutin ang sahod mula sa buwan na nag-umpisa hanggang Disyembre at hatiin sa 12.

Paglilinaw ng opisyal, dahil ito ay mandatory kung kaya kahit isang buwan pa lamang sa trabaho ang empleyado ay entitled na ito sa nasabing benepisyo.

Samantala, nilinaw naman ng opisyal na diskresyon naman ng mga employer kung sila ay magbibigay ng bonus.

Ibig sabihin nakadepende at desisyon ng mga ito kung nais nilang bigyan ng bonus ang kanilang mga empleyado kung saan puwedeng ito ay monetary o pera o di kaya ay ‘in-kind’ tulad ng groceries at iba pa.

Subalit, sinabi ng opisyal na dahil sa krisis na dulot ng pandemya ay malabo ang tiyansa na mayroong mga employer ang magbibigay ng bonus.

Ang 13th month pay ay isang anyo ng benepisyong salapi na katumbas ng buwanang batayang sahod (basic pay) na natatanggap ng isang empleyado. Kinokompyut ito nang pro-rata ayon sa bilang ng buwan na nanilbihan ang empleyado sa amo nito sa loob ng isang taong-kalendaryo.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *