152 benepisyaryo nakatanggap ng tig-P 3,000 mula sa DSWD sa soft opening ng Malasakit Center sa CNPH

CAMARINES NORTE- Nakatanggap ng tig- tatlong libong pisong halaga ng ayuda mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang nasa 152 benepisyaryo sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS).

Maliban sa pera, mayroon ding kasamang food packs mula pa rin sa ahensiya na naglalaman ng bigas, de lata, noodles at kape.

Pinangunahan ni Governor Edgardo Tallado, DSWD ROV Crisis Intervention Unit (CIU)  head Maria Cristina  Samson, at acting Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco ang pamamahagi ng ayuda sa soft opening ng Malasakit Center na matatagpuan sa Camarines Norte Provincial Hospital (CNPH).

Ayon kay Samson, ang tulong pinansiyal na kanilang ibinigay sa ilalim ng AICS program ay para sa mga pasyente ng CNPH o mga kamag- anak na nagbabantay sa kanila.

Nangako si Samson na palalakasin pa ang pakikipag ugnayan ng ahensiya sa CNPH at muling magkakaroon ng pamamahagi ng ayuda sa mga susunod na batch ng beneficiaries.

“This is just the soft opening kasi po ito po ay talagang patuloy na pong gagawin ng DSWD in partnership with our Camarines Norte Provincial Hospital,” ani Samson.

“Dahil po magbubukas po ang project Malasakit (center) po dito sa inyong probinsiya, so uupo po ang DSWD sa isa sa mga ahensiya po dun.”

Inanunsiyo naman ni Gov. Tallado na mayroong P3 milyon kada buwan mula sa national government ang ilalaan sa Malasakit Center ng CNPH kaya’t ang mga mahihirap umanong pasyente ay lalabas sa ospital nang walang babayaran kahit singko.

Ito pong programa ng DSWD in coordination sa provincial hospital inisyal lang po ito, kumbaga, marami pa pong tulong na darating mula sa national government,” ani Tallado.

“Malaking tulong po yun, kasi  imagine po mayron tayong 3 million monthly para itulong sa mga mahihirap nating mga kababayan at yun pong pasyente na lalabas dito sa provincial hospital, wala na po kayong babayaran ni singkong balanse”.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *