176 na baboy ipinamigay ng LGU Basud sa mga benepisyaryo sa ilalim ng Swine Dispersal program ng LGU

CAMARINES NORTE- Umaabot sa 176 na baboy ang ipinamigay ng Lokal na Pamahalaang Bayan ng Basud, Camarines Norte noong nakaraang linggo sa mga benepisyaryo sa ilalim ng Swine Dispersal project.

Ayon sa LGU nasa 56 na katao mula sa sampung barangay ang nakatanggap ng baboy na gagawing inahin.

Ang pamamahagi ng mga baboy ay pinangunahan ng mga lokal na opisyal ng naturang bayan.

Bago ang pormal na pamamahagi ng mga baboy ay ipinaliwanag ni Municipal Agriculturist Harry James Felomino ang mga kaakibat na responsibilidad ng mga tatanggap ng Swine Dispersal alinsunod sa Municipal Ordinance 220-2021.

Sa ilalim ng naturang ordinansa, ay nakasaad ang mga panuntunan na dapat sundin, pananagutan ng benepisyaryo at kaukulang penalidad sa mga hindi susunod sa alituntunin.

Layunin din ng nabanggit na programa na maaksyonan ang hinggil sa presyo ng baboy at mabalanse ang supply at demand nito.

Kung maalala ay unang sinimulan ang proyekto Disyembre ng nakatalikod na taon kung saan unang nabigyan ang 20 mag- aalaga ng baboy.

Noong 2020 ay isa ang Basud sa matinding naapektuhan ng African Swine Fever kaya maliban sa ibinigay na tulong pinansyal sa mga apektadong mag-aalaga ng baboy ay naglaan din ng pondo ang LGU para makabili ng biik upang maparami ang inahing baboy sa bawat barangay.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *