TCWS No.1, nanatiling nakataas sa Batanes at Cagayan

Asahan nang magdudulot ang Tropical Depression Emong ng malakas na hangin at pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa na posibleng maging sanhi naman ng landslide at pagbaha.

Ayon sa PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 575 km East ng Casiguran, Aurora, taglay ang lakas ng hangin na pumapalo sa 55 kph malapit sa gitna at bugso na umaabot sa 70 kph.

Dahil diyan ay nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal no. 1 sa Batanes at sa northeastern portion ng Cagayan kabilang na ang Babuyan Islands.

Asahan na sa mga nabanggit na lugar ang katamtaman hanggang sa malakas na buhos ng ulan at malakas na ihip ng hangin.

Dahil naman sa trough ng bagyong Emong ay makakaranas ang Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, ang nalalabing bahagi ng Cagayan Valley, Bicol Region, at Eastern Visayas ng katamtaman na kung minsan ay malakas na buhos ng ulan.

Para naman sa Metro Manila, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Zamboanga Peninsula, Antique, at Negros Provinces ay asahan na ang kalat-kalat na pag-ulan na may kasamang pagkulog at pagkidlat.

Magiging maaliwalas naman ang panahon sa nalalabing bahagi ng bansa ngunit may tyansa pa rin ng pulo-pulong pag-ulan na dulot ng localized thunderstorms.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *