2 NPA na nasawi at bihag, kinilala na ng Army

Kinilala na ng 9th ID, PA ang dalawang nasawi na rebelde at isang ‘bihag’ sa sagupaan ng mga sundalo noong Huwebes, Setyembre 21 sa Brgy Nainday, Placer, Masbate.

Ayon sa chief ng DPAO na si Maj. Frank Roldan, ang mga nasawi na rebelde ay sina Javier Villegas alias ‘Dado’ at Imee Villegas alias ‘Inday’ parehong miyembro ng Platun 1, Kilusang Larangan Gerilya (KLG), Sub-Regional Committee 4 habang ang nabihag na rebelde ay kinilalang si George Basagre alias Burondoc at nasa ilalim na ng kustudiya ng mga militar.

Narekober sa engkwentro ang isang M16 rifle, Cal .38 revolver, short at long steel magazine, cellphone, mga subersibong dokumento at personal na gamit ng mga rebelde.

Batay sa ulat ng mga taganayon sa Army, ang mga sundalo mula sa 2IB ay rumesponde sa lugar kung saan dito na nagkaroon ng palitan ng putok sa 8 rebelde na umabot sa halos 10 minuto.

Ayon pa kay Maj Roldan, walang nasaktan sa panig ng gobyerno.

Una rito, noong Setyembre 18 ay napigilan ng tropa ng 2IB ang tangkang panggugulo ng NPA sa bayan ng Cawayan na nagresulta sa palitan ng putok sa 7 mga rebelde. Umabot sa 10 minuto ang barilan bago umatras ang mga rebelde.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *