2 pulis, sugatan matapos manlaban ang suspek sa ikinasang buy-bust operation sa Tabaco City

LEGAZPI CITY – Sugatan ang dalawang pulis matapos manlaban ang suspek sa ikinasang buy-bust operation P-3, Brgy. Tayhi, Tabaco City sa lalawigan ng Albay. Kinilala ang mga biktima na sina PSMS. Allan Saba at PCpl. Dexter Eneorga, habang ang suspek naman ay kinilalang si Eric Ebuenga Palomer, alyas “Boy”, 35-anyos, residente ng Brgy. San Lorenzo ng nabanggit na lunsod. Ayon sa report ng pulisya, umaga nang isagawa ng Tabaco CPS kasabay ang Drug Enforcement Unit, Albay Maritime Police Station at PDEA RO5 ang buy-bust operation laban sa suspek. Kumagat sa pain ang suspek nang pagbentahan nito ang isang nagpanggap na poseur buyer na nagkakahalaga ng P3K. Nang aarestohin na si Palomer ay nakakuha pa ito ng kutsilyo o balisong dahilan para pagsasaksakin ang dalawang operatiba ng nasabing istasyon na nagtamo ng mga sugat sa kanilang katawan. Maliban dito, sa paghahanap at pag-iimbentaryo, nakuha sa suspek ang isang unit caliber .38 ARMSCOR 202 na walang serial number, kargado ng tatlong live ammunitions. Nakuha naman sa kanya ang aabot sa 0.050 gramo ng hinihinalang droga na may tinatayang kabuuang halaga na PHP 5,000.00. Samantala, sa kasalukuyangn ay parehong ginagamot sa pribadong mga ospital sina Eneorga at Saba, dahil sa kanilang mga tinamong sugat, habang nasa kustodiya naman ng pulisya ang suspek para sa kaukulang disposisyon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *