2 sugatan sa pagsabog sa bus sa Koronadal

KORONADAL CITY — DALAWANG tricycle driver ang sugatan sa nangyaring pagsabog ng isang bus sa national highway, Koronadal City pasado alas 12 kaninang tanghali.

Unit ng Yellow Bus Lines Incorporated o YBLI ang bus na pinasabugan ng pinaniniwalaang improvised explosive device o IED na inilagay umano sa likurang bahagi ng bus.

May plate number ito na MMV-216 at body number 2108 na may biyahe mula Tacurong City papuntang Koronadal.

Dahil sa lakas ng pagsabog sugatan ang dalawang tricycle driver na bumibiyaheng nakabuntot sa nasabing bus.

Napag-alaman na anim ang sakay ng bus kasama na ang driver at conduktor nito.

Maliban sa pagsabog sa Koronadal, isang pagsabog din ang naitala sa Barangay Calean, Tacurong City ngunit wala namang naitalang sugatan.

Sa panayam naman ng Brigada News FM Koronadal kay YBL Operation’s Manager Bernard Bolanio, wala pa umano silang matukoy na motibo sa pagpapasabog sa kanilang bus at wala ding banta na natatanggap.

Sa ngayon nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad sa nangyaring pagsabog at kung may kaugnayan ito sa isa’t-isa.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *